top of page

Ang Laban ng Lobo

ni Maegan Gaspar at Merryll Phae Red Carao 

Sa daan-daang komunidad sa Pilipinas na tumututol upang maipatigil ang pagmimina sa kanilang lugar, may isang napagtagumpayan ang laban. Narito ang kwento ng Lobo, Batangas at ang kanilang sama-samang pagkilos upang maipatigil ang pagmimina sa kanilang bayan at maprotektahan ang kalikasan.

 

 

Ang Lobo ay isang maliit na bayan sa probinsya ng Batangas. Mayaman ito sa mineral at iba pang mga likas na yaman.

 

 

Sa tala ng lokal na pamahalaan ng Batangas, matatagpuan ang ilang yamang mineral sa kanilang bayan gaya na lamang ng ginto, tanso, nikel at bakal. Gumagamit naman ang karamihang barangay ng mga kabayo para sa transportasyon ng kanilang mga produkto.

2
4
3
DSC_0083

Itinuring namang sentro ng “Marine Shorefish Biodiversity” ang Verde Island Passage sa Lobo dahil sa angkin nitong yaman sa ilalim ng tubig gaya ng mga isda, korales at mga sanktwaryo.

Mayaman din sa mga produktong agrikultural ang kanilang bayan gaya ng niyog, saging, bigas at atis. Noong 2011, ipinroklama ang Lobo bilang “Atis Capital” ng Pilipinas sa ilalim ng Resolution 2011–61.

Ayon sa 2010 census ng Philippine Statistics Authority, umaabot sa mahigit kumulang 37, 070 ang populasyon sa munisipalidad ng Lobo.

 

 

Mahigit 77.5 porsiyento ng lupain sa Lobo ang nakalaan sa agrikultura kaya naman pagsasaka, pangingisda at pagkokopra ang kadalasang pinagkukunan ng kabuhayan ng mga mamamayan.

Babao talks about his livelihood in Lobo and how he adjusts to its highs and lows.


 

Noong 2014, binigyan ng permiso ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ang mga kumpanyang Mindoro Resource Limited (MRL) at Egerton Gold Philippines upang makapagmina sa Lobo. Taong 2015 naman noong simulan nila ang mga pananaliksik at pagsusuri sa lupa ng Lobo upang malaman kung mayroon nga bang deposito ng mga mineral dito.

Isa si Sennen Baraga, Kapitan ng Baranggay ng Sawang (maliit na bayan sa Lobo) , sa mga pumirma at pumayag sa inisyal na plano ng pagmimina.

Barraga shares his experience leading Barangay Sawang during the MRL-Egerton exploration in 2015, and he shares his insights on mining in Lobo.

Samantala, maliban sa pagtatanim ay pag-uuling ang pinagkakakitaan ng pamilya ni Asuncion de Chavez, residente ng Lobo. Kaya naman noong nag-alok ng hanap-buhay ang kumpanya ng minahan ay tinanggap nila ito.

De Chavez narrates how her family helped in the protest against the mining companies, despite initially earning money from them

Sa pangambang masira ang kanilang kalikasan dala ng planong pagmimina, nagkaroon ng inisyatibong ipatigil ang operasyon sa pamamagitan ng pangangalap ng pirma sa mga residente. Bagamat nagkaroon sila ng hanap-buhay, nakiisa si de Chavez sa pagpirma upang maipatigil ang operasyon ng pagmimina sa kanilang lugar.

Mahigit kumulang sampung baranggay sa Lobo Batangas ang siniyasat ng mga nasabing kumpanya. Binakbak ang maraming daanan at nagtayo ng mga drilling sites ang MRL-Egerton Gold. Humikayat din sila ng tulong mula sa mga residente ng Lobo para sa pagkuha ng sample at pagbubuhat ng mga kagamitan pang-mina. Para sa ilang residenteng nakapagtrabaho sa mga kumpanya, kabuhayan ang hatid ng pagmimina sa kanilang lugar.

Mendoza shares his experience as an employee of MRL, and how this shaped his opinion on mining in their town

Sa ilalim ng ipinagkaloob na permit sa MRL-Egerton Gold, mahigit 20,000 ektarya ang maaring pagminahan ng mga kumpanya. Ayon sa grupong Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE), karamihan sa mga lupaing mapapasama sa pagmimina ay ang mga lugar na tinaguriang “center of biodiversity” ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Ikinatakot ng mga grupong pangkalikasan at pati na ng mga residente ang napipintong polusyon at pagkasira ng kalikasan na maidudulot ng pagmimina. Nakiisa din sa hinaing na ito ang mga negosyanteng may mga resort sa Lobo; naniniwala silang makakasira sa turismo ng Lobo ang pagtatayo ng minahan dito.

Enriquez shows how the mining companies took samples of rocks and how the drilling affected the roads

Alinsunod sa Philippine Mining Act of 1995, dapat na sumunod ang mga kumpanya sa itinakdang environmental safety regulations bago magsagawa ng pagmimina sa isang lugar. Ngunit karamihan sa mga kumpanyang nagmimina sa bansa ay hindi sumusunod sa patakarang inilatag ng Philippine Mining Act; patuloy ang pagkasira ng kalikasan at patuloy din ang pang-aabuso sa mga manggagawa ng mga industriyang ito. Mismong ang kalihim ng DENR na si Gina Lopez ang nagsabing “hindi patas” ang Philippine Mining Act, lalo na pagdating sa kalikasan at sa komunidad. Sa unang araw niya bilang kalihim ng DENR, nagsagawa na siya ng pag-o-audit sa mga mining companies na nauwi naman sa pagsususpende sa mahigit 23 sa mga ito.

Kabilang ang Sawang, maliit na bayan sa Lobo, sa mga masasakop ng planong pagmimina ng MRL-Egerton Gold.  Isa si Connie Abay, community leader sa Sawang, sa mga nangunang tumutol sa pagmimina. Siya rin ang nag-organisa sa pagpapakilos ng kanyang mga kababayan laban sa pagtatayo ng minahan sa Lobo.

Kasama ni Abay ang halos 2,000 mga taga-Lobo na nagprotesta sa munisipyo pati na rin sa opisina ng DENR sa Quezon City laban sa pagmimina sa kanilang bayan. Kasama rin nila sa pagkilos na ito ang iba’t ibang grupong pangkalikasan, ang simbahan at ang pamahalaan; kabilang na sina Governor Vilma Santos-Recto at ngayong kalihim ng DENR na si Gina Lopez. Naroon din ang mga kawani ng lokal na pamahalaan ng mga karatig lalawigan tulad na lamang ng Mindoro at Romblon.

7
20150716-mining-lobo-vg
1437103253
6

Photos from ABS-CBN News

Matapos ang maraming protesta at pagkilos, dininig din ng gobyerno ang hinaing ng mga taga-Lobo. Naipatigil ang ‘exploration’ na isinasagawa sa bayan ng Lobo, at inalis na ng MRL-Egerton Gold ang kanilang kagamitang pang-mina. Ngunit sa pag-alis ng mga kumpanya, makikita pa rin ang bakas ng nasabing exploration sa mga sira-sirang daanan na hanggang ngayon ay pilit pa ring tinatahak ng mga residente ng Lobo.

Marami rin ang nawalan ng trabaho nang matigil ang operasyon ng pagmimina. Sa kabila nito, nagpapasalamat pa rin ang mga residente ng Lobo na napananatili ang pangangalaga ng kanilang likas na yaman, lalo ngayong malayo na ito sa pang-aabuso na maaaring maidulot ng pagmimina.

Hindi ang mga taga-Lobo ang una at huling nangamba sa banta ng pagkasira ng kalikasan buhat ng pagmimina. Ngunit dahil sa pag-oorganisa at sama-samang paggiit ng kanilang hinaing ay naipatigil sa kanilang lugar ang minahan bago pa ito makasira nang tuluyan. Malayo ang sitwasyong ito sa daan-daan pang mga komunidad sa Pilipinas na nakakaranas ng pandadahas at pang-aabuso sa ilalim ng mga minahang kumpanya.

Batid ng mga taga-Lobo na hindi pa doon nagtatapos ang kanilang laban, lalo na at marami pa ang may katulad nilang hinaing. Ngunit naniniwala sila sa lakas ng sama-samang pagkilos — ang pwersang sumupil sa tangkang pagkasira ng kanilang bayan.

Click the link to watch the documentary:
https://www.youtube.com/watch?v=kAdZo2JvO-s&feature=youtu.be

All Rights Reserved 2017.

bottom of page